Natutulog na parking fee collector, pinagbabaril

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:35 AM | Updated as of May 30 2017 02:57 PM

Hindi na nagising sa pagkakahimbing ang isang parking fee collector makaraang barilin sa Commonwealth Market sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Ayon sa mga nakakita, 2 lalaki ang bumaril sa biktimang si Noel Santos nang sumaglit ito ng tulog sa gilid ng isang tindahan.

"Mabilis tumakbo, nilapitan si Noel. Biglang pinutukan. Susunod iyung isa nilapitan din. Pinaputukan talaga," sabi ni Ali Bulao, kasamahan ng biktima.

Matapos ang krimen, naglakad lamang papaloob ng palengke ang mga gunman na kapwa may takip sa mukha at nakasuot ng itim na jacket at sombrero.

Walang kaaway ang biktima, ayon sa kanyang mga kasamahan. "Mabait po 'yan," ani ng isang tindera.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.