Nationwide curfew para sa menor de edad, isinusulong

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:21 PM

Nais ipatupad ng isang mambabatas ang curfew sa mga menor de edad sa buong bansa upang maproteksyunan ang bata laban sa masasamang bisyo at malayo sila sa krimen.

Layunin ni Quezon 4th District Representative Helen Tan na mapanatili ang kaligtasan ng mga bata sa pamamagitan ng House Bill 894 o Disciplinary Hours for Minors Act.

“Aware naman tayo na ang kabataan nagagamit in criminal acts so technically ‘yun ‘yung intention natin to prevent these children to engage sa mga ganoong gawain and at the same time their safety,” paliwanag ni Tan.

Sa panukalang ito, ipinagbabawal ang mga batang 17 taon gulang pababa na gumala, maglibot, o matulog sa lansangan nang walang kasamang nakakatanda, sa pagitan ng alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

May pinaiiral nang ordinansa sa curfew sa iba’t ibang bahagi ng bansa pero para kay Tan, panahon na para ipatupad ito sa buong bansa.

“It’s about time na i-compel natin, kailangan natin ng batas, ang batas kasi may ngipin kumpara sa ordinansa. Kapag nalaman siguro nila na may batas na ganito baka in that way ma-address natin ‘yung problema...” ayon kay Tan. 

Base sa panukala, ang mga batang mahuhuli ay kinakailangan na sumailalim sa counselling kasama ang kanilang mga magulang o guardian.

Sa pangalawang pagkakataon, kinakailangan nang mag-community service ang mga bata.

Sa pangatlong pagkakataon, ang mga magulang na ang mananagot.

Bukod sa community service, mayroon ng mga multa na kailangan bayaran kapag hihigit pa dito ang bilang ng paglabag. Maaari na ring makulong ang magulang ng bata.

Pagtutol sa curfew

May ilan namang nag-aaalinlangan sa panukala.

“We have reservations on the imprisonment of parents or legal guardians of a child who violated the provisions of this act. In their absence who will provide the care and need of the children?” paliwanag ni Elizabeth Ampong ng Department of Social Welfare and Development.

“In our experience in the field of all our police station nationwide, who would take custody after the apprehension, paano kung hindi pa taga-doon ‘yung mga bata?” ayon kay Directorate for Police Community Relations deputy director Chief Supt. Ericson Velasquez.

Magpapatuloy naman ang diskusyon sa pagitan ng mga mambabatas at DSWD.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.