Miyembro umano ng 'Dugo-dugo' gang, arestado

Michael Delizo, DZMM

Posted at May 30 2017 10:15 AM

Isang 34-anyos na babae ang naaresto ng pinagsamang pwersa ng San Juan at Quezon City Police sa ikinasang entrapment operation dahil sa kasong swindling.

Kinilala ni SPO2 Marcelo Mariñas ng San Juan Police ang suspect na si Ailyn Venezuela na tinangka umanong biktimahin sa modus na "Dugo-dugo" ang kasambahay na si Abigail Navarro, 26-anyos.

Kwento ni Navarro, tinawagan siya ni Venezuela na naaksidente ang kanyang mga amo at kailangan nitong ipadala ang pera at alahas ng kanyang employer.

Pero hindi nabuksan ng kasambahay ang vault ng kanyang mga amo kaya inudyukan siya ni Venezuela na ipadala na lang ang kanyang sariling pera.

Nagkasundo ang dalawa na magkita sa Balintawak, Quezon City pero naisip ng kasambahay na tila binibiktima siya ng budol-budol.

Nang makumpirma na wala naman pala sa ospital ang kanyang mga amo ay dumulog si Navarro sa himpilan ng San Juan Police, na siya rin nakipagtulungan sa Quezon City Police.

Nang magkaabutan ng pera sa napagkasunduang tagpuan sa Balintawak, agad hinuli ng mga otoridad ang suspek.

Tikom ang bibig ni Venezuela sa paratang.

Nakakulong na siya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.