Mga kaanak ng Maute sa Metro Manila, hindi banta: NCRPO

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:47 PM

MANILA - Iginiit ng pulisya Martes na hindi banta sa seguridad ang ilang kaanak ng mga miyembro ng Maute group na nagtungo kamakailan sa Metro Manila. 

Sa security briefing ng House Metro Manila development committee, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Alabayalde na hindi radikal ang mga kaanak ng grupo. 

Wala aniya silang nakukuhang impormasyon na may balak na masama ang mga ito bagamat kasama sila sa binabantayan ng Philippine National Police (PNP). 

Kasuluyang nakikipagdigma ang pwersa ng pamahalaan sa bandidong Maute group sa Marawi City, na kinubkob nila noong nakaraang Martes. 

Ayon kay Albayalde, nakataas ang moderate level threat sa buong NCR, mas mababa kumpara sa high level threat noong 2016. 

Nilinaw ng opisyal na walang direktang banta sa Metro Manila ang mga teroristang grupo gaya ng Maute Group, Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. 

Gayunman, naka-full alert ang NCRPO, kaya hindi maaaring mag-leave sa trabaho ang mga pulis nito. 

Dagdag ni Albayalde, aktibo ang intelligence gathering ng NCRPO at may ugnayan sila sa mga law enforcement agencies, kasama na ang National Intelligence Coordinating Agency. 

Nakapaglatag na rin ng 165 checkpoints ang pulisya sa Kamaynilaan mula nang pumutok ang giyera sa Marawi. 

Umabot na sa 104 ang nasawi sa labanang nagtulak kay Pangulong Rodrigo Duterte para magdeklara ng batas militar sa buong Mindanao. 

Kabilang sa mga nakitil ay 65 rebeldeng Maute, 19 sibilyan, 17 sundalo at 3 pulis. 

Marawi siege, martial law sa Mindanao 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.