Marcos Highway sisikip sa June 1 hanggang July 13

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:48 PM | Updated as of May 31 2017 04:21 PM

Madadagdagan ng dalawa ang istasyon ng LRT line 2 ngunit hindi pa ito magagamit agad ng mga pasahero at maaaring makaranas ng mabigat na daloy ng trapiko sa Marcos Highway kasabay ng konstruksiyon nito.

Inaabot ng tatlong oras ang biyahe mula Recto hanggang Masinag pero inaasahang magiging 40 minutos na lang ang biyahe kung magagamit na ang LRT 2-East Extension Project.

Pahahabain ng nasabing proyekto ang linya mula sa Santolan Pasig City hanggang sa Masinag, Antipolo.

Handa na ang viaduct na natapos nitong nakaraang taon at uumpisahan na ang paggawa ng dalawang istasyon -- ang Emerald Station sa harap ng Robinsons Metro East at Sta. Lucia sa Cainta, Rizal, at ang Masinag Station na ilalagay sa may Masinag Junction sa Antipolo.

Pero bago guminhawa ang daloy ng trapiko sa lugar, makararanas muna ng mabigat na daloy ng mga sasakyan dahil dalawang lane ng Marcos Highway ang isasara kasabay ng construction mula June 1 hanggang July 13.

"We already discussed with LGUs. Masisimulan natin agad ang project. We already coordinated even with the traffic enforcers. Of course may little inconvenience... Once we finish the first level, magbubukas na kami ng one lane sa inner side," paliwanag ni DMCI vice president for design and engineering, Gerardo Ancheta Jr.

Maaaring dumaan sa A. Bonifacio Avenue papuntang Aurora Boulevard via Ortigas ang mga manggagaling sa Sumulong Highway papuntang Cubao o C-5.

Matatapos ang konstruksiyon sa July 2018 pero inaasahang sa April 2019 pa ito magagamit dahil kailangang ma-bid out ang electro-mechanical systems ng extension project para makapagsimula ng operasyon ang tren.

Dapat nitong third quarter ng 2017 pa natapos ang proyekto pero nagkaroon ng delay sa bidding.

Walumpung libong pasahero kada araw ang maidadagdag sa mga maisasakay kapag nagsimula na ang operasyon ng LRT 2-East Extension.

-- Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.