Lalaki, arestado sa droga at mga baril sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 10:44 PM

PARANAQUE -- Naaresto sa operasyon na ikinasa ng Parañaque police ang isang lalaki na nakuhanan ng baril at methamphetamine hydrochloride o shabu.

Sa bisa ng isang search warrant, nakuha ng mga pulis sa bahay ni Rannie Tamayo Durango, 41, ang dalawang kalibre .38 na baril, 10 bala, at isang sachet na pinaghinalaang naglalaman ng shabu. 

Hindi kumontra ang tiyahin ni Durango na si Ceceille Ajar sa pagkahuli ng suspek. Aniya, matagal na umano niyang sinasabihan ang pamangkin na tumigil na sa paggamit ng droga.

Ayon naman kay Senior Superintendent Jemar Modequillo, miyembro umano ng Sputnik Gang ang naaresto.

Mariing itinanggi ng suspek na gumagamit siya ng iligal na droga, at sinabing hindi niya umano pag-aari ang mga nakuha ng pulis na baril at shabu.

Mahaharap si Durango sa mga kasong illegal possession of firearms at illegal possession of illegal drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.