IED, nadiskubre sa gitna ng palayan sa Sultan Kudarat

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 11:29 PM | Updated as of May 30 2017 11:47 PM

SULTAN KUDARAT- Isang improvised explosive device (IED) ang natagpuan sa gitna ng isang palayan sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat Lunes ng umaga.

Isang magsasaka ang nagreport sa pulisya nang mapansin nito sa pilapil ang kulay pink na plastic container na may wire.

Nang suriin na ng explosive and ordnance disposal team (EOD) team, nakabaon pala ang bomba at maituturing umano itong isang land mine.

Black powder ang pampasabog na hinaluaan ng mga tig-isang pulgadang pako. May blasting cap at booster din ito.

Ayon kay Senior Superintendent Raul Supiter, provincial director ng Sultan Kudarat Police, may iniimbestigahan na silang grupo na gumawa ng bomba.

“May idea na tayo. Sakahan, taniman ng palay kasi ito. So, parang naiba na naman ito eh. Pero pasalamat tayo at naagapan," ani Supiter.

Agad namang isinantabi ng mga pulis na may kaugnayan ito sa terorismo.

Wala umanong katao-tao doon, pero posibleng konektado ito sa land conflict sa lugar.

“Ang initial na report sa amin na may land conflict sa lugar na kung saan nilagay yun. So, but then, we are following up this kung saan galing itong IED,” paliwanag ni Supiter.

Malapit sa bayan ng Salipada K. Pendatun sa Maguindanao ang lugar kaya posibleng taga-roon umano ang nagtanim ng bomba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.