Dating 'ninja-cop' patay sa pamamaril sa gym

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 08:46 AM

Patay ang isang dating pulis matapos pagbabarilin ng 2 hindi nakilalang lalaki sa fitness gym sa Sta. Ana, Maynila, Lunes.

Dakong alas-6 ng gabi nang lapitan at barilin ng mga salarin ang biktimang si Dennis Padpad na noo'y nagbubuhat ng equipment.
 
Agad namatay si Padpad dahil sa dami ng tinamong tama sa katawan.

Sugatan din ang 2 pang nasa loob ng gym na sina Rick Adrian Repol na tinamaan sa braso at isang Indian national na nadaplisan sa tiyan.

Napag-alamang si Padpad ay dating pulis-Maynila na inakusahan bilang "ninja cop" dahil sa umano'y pagre-recycle ng mga ebidensyang iligal na droga. Ipinadala siya sa Mindanao dahil sa naturang alegasyon.

Walang nabanggit ang mga lokal na opisyal na kaaway ng biktima. "Mabait naman siya," ani barangay chairman Rodger Reynaldo.

Nakatakas naman ang mga suspek lulan ng motorsiklo.

Patuloy na inaalam ang motibo sa krimen. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.