Binata patay matapos madaganan ng poste ng basketball ring

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 04:19 PM

CAMARINES SUR - Patay ang isang 22 taong gulang na lalaki matapos mabagsakan ng poste ng basketball ring sa Barangay La Medalla sa Baao, Camarines Sur nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Jeffrey Bonafe. 

Ayon sa ina nito na si Leonida, naglalaro lamang ang kanyang anak sa basketball court nang biglang bumagsak ang sementadong poste ng basketball ring.

Tanging si Jeffrey ang nabagsakan ng poste, na agad nitong ikinamatay.

Hindi matukoy ni Punong Barangay Ralan Besiño kung kailan ipinagawa ang nasabing poste. Dagdag pa niya na ipinagtataka rin niya ang nangyari.

Ayon kay Besiño, ilang taon na ang dumaan at nitong Disyembre lang ang malakas na bagyo pero hindi naman ito nagiba.

Pansamantalang ipinagbawal ang paglalaro sa basketball court dahil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.