Bata patay matapos mabangga ng trak sa Ilocos Sur

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 05:13 PM

ILOCOS SUR - Patay ang isang 2-taong gulang na batang babae matapos mabangga ng trak sa Barangay Suso sa bayan ng Santa Maria Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ellaine Derige. Sugatan rin ang kanyang ina na si Ruby Derige.

Ayon sa lola ng biktima na si Encarnita Rombaoa, sumama ang mag-ina sa kanya papunta sa isang lamay. Hindi niya napansin na tumawid ang bata papunta sa kanyang ina na naiwan sa kabilang bahagi ng highway.

"Narinig niya siguro 'yung isang apo namin na driver namin na nagsabi na bumaba si Auntie Ruby. Siguro narinig niya kasi magaling siyang bata, kaya noong nakita niya na wala doon sa amin tumakbo siya sa gitna ng kalsada," ani Rombaoa.

Nakilala ang drayber ng trak na si Mauro Rosal. Depensa niya, tinangka niyang iwasan ang mag-ina ngunit nahagip pa rin ang mga ito.

"Malapit na ako pero hindi ko na kinaya ang magpreno kaya iniwasan ko sila. May sumalubong sa bata na babae na mula sa kaliwa tapos niyakap niya ang bata at bumalik kung saan siya galing. Kung dumeretso sana siya baka hindi sana ganoon ang nangyari sa kanila. Hindi ko na kasi sila ulit maiiwasan kasi may nakaparada nang SUV doon," ani Rosal.

Nagtamo ang mga biktima ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan. Naitakbo pa sila sa ospital ngunit binawian rin ng buhay si Ellaine, habang kasalukuyan pang nasa pagamutan si Ruby.

Ayon kay SPO4 Joel Dasargo, nabangga ang mag-ina dahil doon sila pumunta sa direksyon kung saan papunta rin ang trak.

"Yung direksyon kasi kung saan iniwasan na siya ng truck para hindi mabangga yung bata doon naman nagwithdraw ang mag-ina kaya nabangga na sila," aniya.

Inihahanda na ang kasong isasampa kay Rosal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.