Bata, nalunod sa Ilocos Norte

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 10:28 AM | Updated as of May 30 2017 04:59 PM

Kinabukasan na nang matagpuan ang bangkay ng nalunod na batang si Romel Mark Bautista sa dagat na sakop ng Badoc sa Ilocos Norte Erik De Castro, Reuters

ILOCOS NORTE – Nagdadalamhati pa rin ang pamilya ng 12-anyos na batang lalaki na nalunod sa Badoc, Ilocos Norte noong Sabado ng hapon.

Nakilala ang nalunod na bata na si Romel Mark Bautista na Grade 8 na sana sa pasukan.

Ayon sa kanyang ina, balak ni Romel na maging isang doktor. "Hindi naman niya siguro ako masisisi dahil palagi ko siyang pinagsasabihan. Lagi ko siyang pinagbabawalan. Sinasabi ko sa kanya, mapapano ka ba kung nasa loob ng bahay ka lamang."

Napilit ng kanyang apat na kalaro si Romel na lumangoy sa dagat. Pero nang dumating ang isang malaking alon, natangay siya habang nakaahon naman ang kanyang mga kasama.

Sinabi ni Chief Inspector Ismael Conde Gauna na agad nagsagawa ng search operation pero nabigo silang mahanap ang bata.

“Nagtulong-tulong mga mangingisda at coastguard na hanapin ang bata pero hindi nila ito nakita. Sinubukan nga din na hanapin gamit ang lambat pero wala talaga,” sabi pa ni Gauna.

Linggo na ng umaga nang makitang palutang-lutang ang bangkay ni Romel sa lugar kung saan siya tinangay ng alon.

Balak naman ng mga opisyal ng barangay na maglagay ng warning sign upang balaan ang publiko tungkol sa malalim na bahagi ng dagat. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.