Alamin: Mga patok na industriya na maraming 'wanted'

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 08:33 PM | Updated as of May 31 2017 12:38 AM

Maraming trabaho ang inaasahang hanggang 2022 dahil maraming industriya sa bansa ang kinakikitaan ng paglago, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Inaasaahang may 700,000 na trabaho sa larangan ng information technology (IT) at business process management (BPM).

Nasa 866,000 na trabaho ang naghihintay sa mga nais pumasok sa retail trade, kabilang na ang online business.

Nasa 2.2 milyong trabaho naman ang bukas para sa manufacturing, kabilang ang agri-business.

May 1.6 milyong trabaho sa larangan ng turismo.

May 1.02 milyong trabaho sa construction, at 413,000 trabaho naman ang naghihintay sa transport at logistics.

Programa para sa job seekers, mga bagong graduate

Upang matulungang pagbutihin ang mga kakayahan ng isang naghahanap ng trabaho at upang matulungan ang mga bagong graduate habang naghahanap ng trabaho, naglunsad ng mga programa ang DOLE. 

Bagama't maraming job openings ngayon, hirap ang mga employer na mapunan ang pangangailangan sa tauhan kahit pa marami rin ang mga job seeker o naghahanap ng trabaho, ayon sa DOLE.

Ito ay dahil sa iba ang kakayahang hinahanap para sa mga trabahong ito kumpara sa kakayahang mayroon ang aplikante. 

Batay sa profiling na ginawa ng DOLE, magaling ang mga Pinoy job seekers sa Math, English, work standards at multi-tasking, pero may kahinaan sa decision-making skills, innovation, problem sensitivity, planning and organizing at creative problem solving.

Kaya upang tumaas ang tsansang matanggap sa trabaho, may libreng 'Jobstart Program' ang DOLE bawat taon para sa soft skills training ng mga job seeker. 

Job fairs ng DZMM

Apatnapu't limang kumpanya mula sa iba't ibang industriya ang nakiisa sa job fair na idinaos kasama ang Manila Bulletin at DZMM sa SM North EDSA Skydome sa Quezon City. 

Kabilang sa mga alok na trabaho ay sa call center, advertising, agriculture, arts, aviation, IT, real estate at marami pang iba.

Pero isa sa pinaka-inabangan ay ang audition para sa mga gustong maging Radyo Patrol reporter, newscaster sa DZMM, at traffic angels.

May mga job opening din sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation.

Magtatagal hanggang bukas, Miyerkoles, ang job fair.

Sa mga nais magparehistro, maaaring bisitahin ang www.mbclassifiedjobs.com.

Magkakaroon naman ng on-the-spot job fair ang DOLE sa DZMM Kapamilya Day sa Hunyo 2, Biyernes, sa Manuel L. Quezon University sa Quiapo, Maynila.

Maliban dito, magkakaroon ng mga libreng pangkabuhayan at disaster-preparedness seminar.

Maaaring makisali sa mga games, pa-raffle, at serbisyo para sa mga bata at nanay gaya ng libreng gupit, medical check up, at marami pang ibang sorpresa. 

May pa-buenas naman para sa unang 300 magpaparehistro sa Biyernes, alas-5 ng umaga. 

Manatiling nakatutuok sa DZMM para sa detalye ng DZMM Kapamilya Day. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, TV Patrol

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.