7 arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 09:56 AM

Nasabat ng pulisya ang mahigit P100,000 halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Malate, Maynila.

Wala pang isang oras, pitong pinaghihinalaang tulak ng droga ang natimbog ng station 9 ng Manila Police District.

Bandang alas-8:15 kagabi nang nahuli sa San Marcelino Street sa Malate ang target na si Ramon Dale Garcia, ang live-in partner nito na si Gemanlyn Grafil, at ang mag asawang Benjie at Marie Catalo.

Nakabili sa kanya ang nagpanggap na buyer ng isang sachet ng shabu. Nang kapkapan, nakuha sa kanila ang 10 pang sachet ng droga.

Sa taya ng mga pulis, nagkakahalaga ang mga ito ng P80,000.

Narekober din ang isang digital weighing scale, isang caliber .45 na baril at mga bala.

Ikinasa ang ikalawang buy-bust operation para naman sa target na si Ramon Dumdum.

Nahuli rin ang mga kasama niyang sina Ramon Gruta at Joselito Camacho.

Nakumpiska sa kanila ang tinatayang P40,000 halaga ng shabu, digital weighing scale at drug money na P10,000.

Pero giit ni Dumdum na matagal na niyang binitiwan ang pagbebenta ng droga.

Ayon sa pulisya, magkakakilala ang pitong nahuli na umano'y malakas ang operasyong ng droga na umaabot ang bentahan sa Sta. Mesa, Ermita at Taguig. – Umagang Kay Ganda, 30 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.