2 negosyante pinagnakawan, binaril sa Maynila

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 08:41 AM

Patay ang 2 negosyante matapos barilin at pagnakawan sa loob ng isang bahay sa Tondo, Maynila Lunes ng gabi.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, pinasok ng 4 na lalaking pawang nakasuot ng sumbrero ang bahay saka pinagbabaril ang mga biktima. Aabot sa 8 putok ang narinig ng mga kapitbahay.

Dead on the spot ang 39-anyos na si Rodolfo Garcia habang isinugod pa sa ospital ngunit binawian din ng buhay si Charito Aninang.

Magkasosyo sa negosyong pisonet o Internet cafe ang mga biktima, na ayon sa kanilang pamilya ay walang bisyo at hindi sangkot sa iligal na droga.

Nadiskubre ng Manila Police District kinalaunan na nawalan ng P15,000 ang mga biktima matapos ang pamamaslang.

Dahil dito, pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung nakuhanan ng CCTV camera ang mukha ng mga suspek na tumakas sakay ng 2 motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.