TFC News

PH Humanitarian and Rescue Team pinasalamatan ng Turkiye

TFC News

Posted at May 29 2023 02:02 PM

ANKARA - Binigyang parangal ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan ang Philippine Humanitarian and Rescue Team sa kanilang tulong na ibinigay sa mga biktima ng killer earthquake sa Turkiye noong Pebrero.

Mismong si Erdogan ang naghandog ng parangal kay Major Sayin Erwen Diploma ng Philippine Air Force (PAF) at Team Leader ng 82-man Philippine Humanitarian and Rescue Team.

1
Courtesy of the Office of the President of Türkiye

Tinanggap din ng PH Rescue Team ang "Humanitarian Medal" sa Presidential Complex sa Ankara nitong April 25, bilang pasasalamat sa tulong na kanilang ibinigay matapos ang 7.7 magnitude earthquake na sumira sa libo-libong kabahayan at imprastraktura sa maraming probinsya ng nasabing bansa.

2
Courtesy of the Office of the President of Türkiye.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Erdogan na malaki ang utang na loob ng kanyang bansa sa rescue teams ng iba-ibang bansa.

"You have earned a special place in the hearts of 85 million people," sabi ni President Erdogan.

Inalog ng 7.7-magnitude earthquake ang southeastern Türkiye noong February 6, 2023, may lalim na pitong kilometro ang pinagmulan ng lindol sa Pazarcik region ng Kahramanmaras province.

Apektado ang mga probinsya ng Hatay, Gaziantep, Kilis, Osmaniye, Malatya, Adiyaman, Sanliurfa, Diyarbakir, Adana, at Kahramanmaras na kinakitaan ng malubhang mga pagguho ng mga gusali at iba pang imprastraktura.

Sa lakas at lalim ng lindol, naramdaman ito sa Syria, Lebanon, Egypt, at Cyprus. Umabot sa 50,783 ang death toll sa Türkiye.

Tinanggap din ni Chargé d'affaires, ad interim (ai) Juan E. Dayang, Jr ng Philippine Embassy ang Certificate of Appreciation para sa Republika ng Pilipinas na iginawad ni PErdogan at Turkish Foreign Affairs Minister Mevlüt Çavuşoğlu.

3
Ankara PE

“I would like to express my heartfelt gratitude for the support and solidarity shown by your people and Government upon the devastating earthquakes that occurred on 6 February 2023 with Kahramanmaraş as its epicentre, which directly affected 11 cities and claimed the lives of tens of thousands of people. The solidarity shown to us in these difficult times has become an important source of consolation for the Turkish People and will never be forgotten. This certificate of appreciation is a token of gratitude felt by the Turkish People,” saad sa certificate.

Samantala, nanalo si President Recep Tayyip Erdogan matapos sumalang ang Turkiye sa 2-round general elections na nagsimula noong May 14 at nitong Linggo, May 28, 2023.

Tinalo ni Erdogan ang opposition leader na si Kemal Kilicdaroglu sa runoff vote upang manatiling lider ng Turkiye.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Turkiye, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.