Nakakita ng mga pagkukulang ang hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) nang biglaan siyang mag-inspeksiyon sa mga istasyon sa Maynila kamakailan.
"It takes almost 30 minutes naka-react sila doon sa instructions ko," sabi ngayong Lunes ni NCRPO Director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo ukol sa inspeksiyon.
Dahil dito, inutos ni Okubo sa pamunuan ng NCRPO ang puspusan na inspeksiyon at information dissemination sa regional police, at irerekomenda rin umano niya ang paggamit ng mga two-way radio imbes na mga cellphone.
"We are now trying to maximize the use of our radio. Na-test ko rin 'yan sa bandang MPD (Manila Police District), may mga sub-stations na hindi nakaka-react agad. We will make corrections and enhance response capability, utilizing the maximum use of radio," aniya.
Mas mabilis makakaresponde at makakasagot ang police personnel kung radyo ang gagamitin, ayon kay Okubo.
Base rin sa inspeksiyon, hindi nasunod ang ilang bagong direktiba sa mga pulis sa rehiyon, gaya ng paglalagay ng babaeng desk officer o customer relations officer.
"We discovered na medyo may mga loopholes pa doon sa instructions natin. 'Yong paglagay natin ng mga female desk officers or female customer relations officer sa mga stations, medyo 'di na-comply ng iba," ani Okubo.
Muli ring iginiit ni Okubo na bawal gumamit ang mga pulis ng cellphone para sa pagte-text at pagso-social media habang naka-duty.
Kapag nahuli umanong gumagamit ng cellphone ang isang pulis, pagpapaliwanagin ito sa opisyal.
"Mag-e-explain sila... depende sa summary hearing officer kung mag-proceed to hearing or they will be reprimanded. But 'pag second time na na pre-charged sila, [there] will be bigger annotation or punishment," ani Okubo.
Inaasahang magsasagawa pa ng mga sorpresang inspeksyon si Okubo sa mga susunod na araw o linggo.
— Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News
KAUGNAY NA ULAT:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.