PatrolPH

Barangay chairman sa Leyte, patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at May 29 2022 05:33 PM

Patay ang isang barangay chairman sa bayan ng Leyte, sa lalawigan ng Leyte nang barilin ng riding in tandem, alas 5:10 ng hapon nitong Sabado sa Barangay Elizabeth sa nasabing bayan.

Ayon sa Police Regional Office 8, inihinto ng biktimang si Barangay Tigbawan chairman Romeo Cañas ang minamanehong motorsiklo habang paakyat sa isang tulay para makadaan ang mga kasalubong na sasakyan.

Habang nagkahinto ang motorsiklo ng kapitan, bigla itong binaril ng kasunod na hindi pa nakikilalang riding-in-tandem.

Sinubukan pang maisalba ang buhay ng kapitan pero idineklara itong dead on arrival sa hospital.

Dagdag pa ng PRO-8, nang magsagawa ng crime scene investigation ang pulisya, walang nahanap na kahit anong ebidensya gaya ng empty shells o bala.

Lumalabas naman sa imbestigasyon ng pulisya na ang gunman ay tinatayang 5'0 ang tangkad at kayumanggi ang kulay ng balat, habang wala pang nakukuhang pagsasalarawan sa kasama nitong salarin.

- ulat ni Sharon Evite

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.