PatrolPH

Babae, patay matapos tumalon nang magkaaberya ang sinasakyang jeep

ABS-CBN News

Posted at May 29 2022 05:13 PM

Courtesy: San Guillermo PNP
Courtesy: San Guillermo PNP

MANILA— Nasawi ang isang babae matapos itong tumalon nang magkaaberya ang sinasakyang pampasaherong jeep sa bayan ng San Guillermo, Isabela noong Huwebes.

Sa imbestigasyon ng San Guillermo Police, papunta sanang sentro ng bayan ang jeep na may kargang mga mais habang 6 sa 9 na pasahero nito ang nag-topload.

Nasa pataas na bahagi ng provincial road sa Barangay Colorado ang jeep nang bigla itong tumirik.

“Doon sa pataas na bahagi ng daan ay bigla pong namatay ‘yong makina na hindi na po kumagat ang preno, umatras na po ‘yong sasakyan. Nagpanic po ang mga tao na nakasakay sa taas, bale nagtalunan po sila,” sabi ni P/SMSgt. Marlon Onogon.

Nagkaroon ng mga gasgas ang ilang tumalon na pasahero habang head injury ang tinamo ni Josie Parocha Cardenas, 51, na mamalengke lang sana nang mangyari ang aksidente.

Sabado ng tanghali ay binawian ng buhay si Cardenas habang naka-confine sa isang ospital sa Santiago City.

“Ayon sa mga saksi, tumama po ‘yong ulo sa semento kaya unconscious na siya ‘nung time na ‘yon,” ani Onogon.

Hindi na kinasuhan ang driver ng jeep na nangakong tutulong sa mga gastusin ng nasawi na kamag-anak din pala niya.

Lumalabas pa sa imbestigasyon na nawalan ng krudo ang jeep kaya biglang tumirik sa daan.

“Sabi ng driver kinargahan daw niya ng mahigit isang litro na krudo ‘yong jeep, e nagkataong kulang po talaga. Siguro sahid na sahid na ‘yong gasolina,” sabi ni Onogon.

Paalala muli ng awtoridad sa mga motorista na tiyakin ang maayos na kondisyon ng mga sasakayan bago ibiyahe at maging maingat sa pagmamaneho para iwas sa disgrasya.

—Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.