2 sugatan, 15 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Pandacan

ABS-CBN News

Posted at May 29 2021 11:39 AM

MAYNILA - Dalawa ang sugatan habang nasa 15 pamilya naman ang apektado sa sunog na naganap sa isang residential area sa Pandacan, Maynila Sabado ng umaga.

Wala pang dagdag impormasyon na ibinigay ang Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa pagkakakilanlan at kalagayan ng dalawang nasugatan sa sunog sa Jesus Street Extension bago mag alas-7 ng umaga. 

Pinaniniwalaang nagsimula ang apoy sa pangalawang palapag ng isang gusali ngunit sa ngayon ay 'di pa tukoy ang sanhi nito.

Natupok ng apoy ang dalawang bahay habang tatlong iba pa ang nagtamo ng damage sa sunog na umabot din sa ikalawang alarma.

Pero dahil mabilis nakaresponde ang mga bombero, naapula agad ang apoy at hindi na umabot ng isang oras bago naideklarang fire out.

Nasa 30 ang bilang ng mga apektadong residente habang tinatayang nasa P50,000 naman ang halaga ng natupok na mga ari-arian.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.

— Jekki Pascual, ABS-CBN News