Zamboanga del Sur coronavirus-free na sa paggaling ng 3 pasyente

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 05:04 PM | Updated as of May 29 2020 05:54 PM

Wala nang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Zamboanga del Sur matapos gumaling at makalabas sa ospital ang tatlong pasyente dito nitong Huwebes.

Ayon kay Jesrel Himang, Information Officer ng Zamboanga del Sur Provincial government, nagnegatibo na sa pinakahuling Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test ang tatlong pasyente na kinabibilangan ng isang sundalo, negosyante at opisyal ng Department of Education.

Dalawa sa mga ito ay ilang linggo ding naka-admit sa Zamboanga del Sur Medical Center matapos mag-positibo sa COVID-19.

Sabi ni Himang, sabay lumabas ng ospital ang negosyante at DepEd official nitong Huwebes, habang ang sundalo naman ay nakalabas na rin sa isolation facility ng Philippine Army 1st Infantry Division sa Labangan.

Marso 30 nang magpositibo sa virus ang sundalo na may travel history sa Metro Manila. Matapos ang isang linggo ay pinalabas na siya sa ospital matapos mag-negatibo sa RT-PCR test.

Pero dalawang linggo matapos siyang ma-discharge sa ospital ay kinuhanan siya muli ng swab specimen at nag-positibo muli sa COVID-19.

Hindi na siya ibinalik sa ospital at nanatili na lamang sa isolation facility ng 1st Infantry Division dahil asymptomatic naman ito.

Abril 1 naman nang magpositibo sa COVID-19 ang isang opisyal ng DepEd na taga-Aurora. Nag-negatibo siya sa unang RT-PCR test. Pero dahil may mga sintomas siya ng COVID-19 ay kinuhanan muli siya ng swab sample noong Abril 7.

Sampung araw makalipas ay lumabas ang resulta ng test kung saan nagpositibo siya sa virus.

Abril 2 naman dinala sa Zamboanga del Sur Medical Center ang isang negosyante na taga-Pagadian City.

Kinuhanan siya ng swab sample sa kaparehong araw, pero sa 'di malamang dahilan ay hindi dumating ang resulta ng kaniyang RT-PCR test.

Muli siyang kinuhanan ng swab specimen noong Abril 22 at makalipas ang walong araw ay dumating ang resulta nito at nagpositibo siya sa sakit.

Sa ngayon, wala nang active COVID-19 case sa Zamboanga del Sur. Pero sa kabila nito ay mahigpit pa ring ipinatutupad ang ilang anti-COVID-19 measures sa probinsya, gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar at pagbabawal sa mga taong may edad 20 anyos pababa at 60 anyos pataas na lumabas ng bahay.

Simula Hunyo 1 ay isasailalim na sa modified general community quarantine ang Zamboanga del Sur, alinsunod sa desisyon ng Inter-Agency Task Force on COVID-19.

Sa buong Western Mindanao, umaabot na sa 152 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan 146 dito ay nagmula sa Zamboanga City, 5 naman sa Zamboanga del Sur, at 1 sa Zamboanga del Norte.

Ang Zamboanga Sibugay na lang ang wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon 9.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.