Tulong ng UK government sa care homes, atrasado ayon sa Pinoy frontliners

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at May 29 2020 05:50 PM | Updated as of May 29 2020 07:55 PM

LONDON- Huli umano sa prayoridad ang mga empleyado ng care homes sa United Kingdom pagdating sa proteksyon at ayuda ng gobyerno sa gitna ng coronavirus pandemic, ayon sa mga Pilipinong nagtatrabaho dito. 

"During the first stage of the pandemic in the United Kingdom, the test kits- they were very limited as well as the PPEs (personal protective equipment). There are 2 important things to prevent COVID-19: PPEs and test," saad ni Rhidel Francisco. 

Balik trabaho na si Francisco na manager sa isang private care home sa UK matapos makaranas ng COVID-19 symptoms noong Marso. Pero dahil kasagsagan ito ng pandemya, hindi siya na-test dahil di pa sila priority.

"I was unwell. My body temperature was 38.9 degrees centigrade. I had muscle pains, I had body weakness, I can’t eat, I had no taste. I got tired easily, shortness of breath. I just self-isolated that time, which was scary. But I wasn’t tested," kuwento ni Francisco.

Sa private care home kung saan siya nagta-trabaho, may 20 ang namatay na residente pero hindi sigurado kung COVID-19 nga ang dahilan.

"I was a victim of COVID-19, I think I got it from my patient. Some patients don’t have symptoms and we don’t know that they are infected. There was no test that time," sabi ni Francisco. 

Hindi aniya kaagad natutukan ang care home workers dahil sa laki ng problema at hamon na kinakaharap ng National Health Service ng UK sa unang bugso ng pandemya. 

"Nakakaawa ang ating mga kababayan kasi nagbuwis ng buhay para labanan ang COVID-19," saad ni Francisco.

Sa tala ng Filipino Nurses UK Association, higit 45 Pinoy medical frontliners na ang namamatay dahil sa coronavirus. 

Ayon sa UK Office of National Statistics (ONS), mula April 10 hanggang May 15, nagtala ang England ng 11,094 deaths. Di pa kasama ang bilang ng Scotland, Wales at Northern Ireland. Ayon naman sa researchers ng London School of Economics, pumapalo ito sa 22,000.

"Private care homes are now the focus of the government and the community. There’s delay in the (action) of government on focusing on the care homes," sabi ni Francisco.

Kahit nga sa ibinigay ng gobyerno na 60,000 pounds na pay-out sa namatay na frontliner dahil sa COVID-19, hindi rin kasama ang mga nagta-trabahong nurse sa social care. 

Tinatayang higit 10,000 Pinoy workers ang nasa social care. Di pa kasama sa bilang ang support staff na Pinoy. 

Sensitibo ang issue ng coronavirus disease sa mga care home sa UK at ang kakulangan ng suporta ng gobyerno.

Dalawang Pinoy care home managers ang unang pumayag na magpa-interview sa ABS-CBN, pero binawi din dahil hindi pinayagan ng kanilang kompanya.

Dahil naman sa kritisimo sa gobyerno, isinama na ang care homes sa priority testing sa COVID-19, kabilang ang staff, ang mga above 65 years old at pamilya nilang nakararanas ng sintomas ng COVID-19.

Higit 40,000 na ang naitalang namatay dahil sa COVID-19 sa buong UK, ayon sa datos ng gobyerno. 

Nangako rin si Prime Minister Boris Johnson ng 600 million pounds na pondo para sa infection control sa care homes sa Hunyo.