PatrolPH

Telcos naghahanda na para sa panukalang blended learning

Willard Cheng, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 04:21 PM


MAYNILA — Sa pagpasok ng bagong school year sa Agosto, marami ang nangangamba sa panukalang "blended learning" ng pamahalaan na layong bawasan ang interaksyon dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ilalim ng blended learning, gagamit ng telebisyon, radyo, at internet ang mga estudyante para sa pag-aaral nilla, at kung maaari ay iiwas na sa face-to-face interaction. 

Pero agam-agam ng ilang magulang at estudyante, kakayanin kaya ito ng kanilang internet connection?

Ang grade 12 student na si RJ Moya, nagkakamot ng noo kung paano maisasagawa ang blended learning lalo't prepaid internet at cellphone lang ang kaniyang device. 

"Wala ring gaanong pampa-load kaya maaantala talaga pero kung gusto po matuto ng isang bata, kahit mahina ang koneksyon magagawan pa rin ng paraan," aniya. 

Pero ayon sa Globe Telecom, katuwang na nito ang Department of Education (DepEd) sa DepEd Commons, isang portal para sa distance learning. 

Pero dagdag nila, bagama't sapat ang impraestruktura ng internet nila ay mas makatutulong sana kung makakapagpatayo pa sila ng karagdagang cell sites.

"Yes the infrastructure is ready… More than this there remain opportunities to improve connectivity by putting up more cell sites or fiber to increase capacity and coverage," ani Yoly Crisanto, head ng corporate communications ng Globe Telecom.

Dahil dito ay hinihingi nila ang kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan. 

"It is important for LGUs to understand that they have an important role to play to make distance learning work. People need connectivity and this can happen if LGUs rethink their permitting process so telcos can put up the ICT infrastructure the country needs to support consumer demand," paliwanag ni Crisanto. 

Ayon sa pamunuan ng PLDT at Smart, namuhunan ang kompanya para palawakin ang LTE network nito at nakikipagtulungan na sila sa sektor ng edukasyon para matugunan ang mga pangangailangan sa e-learning. 

"We are in the process of forging partnerships with the education sector so that we can help in facing this challenge," sabi ni Alfredo Panlilio, PLDT chief revenue officer at Smart president. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.