'Talo talaga': Jeepney drivers sa Baguio halos walang kita dahil sa physical distancing

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 04:29 PM


BAGUIO CITY — Dumadaing ang mga jeepney driver sa lungsod na ito dahil sa maliit na kita nila ngayong may community quarantine at physical distancing na malaking kabawasan sa kanilang naisasakay na pasahero.

Araw-araw, pinoproblema ng tsuper na si Johnny Viloria kung paano iba-budget ang kaniyang pera para sa pamilya.

Nangalahati kasi ang bilang ng naisasakay niyang pasahero dahil sa pagsunod sa physical distancing kontra COVID-19.

"Talong-talo talaga. 'Yung boundary pa. 'Yung maintenance, krudo, boundary. Anong matitira? Kaunti na lang," aniya.

Pasalamat na lang daw sila dahil kahit papaano’y inaabutan sila ng P300 ayuda ng lokal na pamahalaan kapag bumibiyahe.

Extended ang implimentasyon ng subsidiyang ito hanggang sa Mayo 31.

May listahan na rin umano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga tsuper na kinokonsiderang mapabilang sa second tranche ng social amelioration program (SAP).
 
"Ito po ay ibabangga natin sa paid SAP beneficiaries ng DSWD if the drivers belong to the family. Ibig sabihin nabigyan na sila," ani DSWD-Cordillera regional director Leo Quintilla

Paalala naman ng Land Transportation Office (LTO), anumang klasipikasyon ng community quarantine napabilang ang isang lugar ay wala pa rin dapat pagtaas ng pamasahe sa public utility vehicles. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.