Pamunuan ng Quiapo Church sinabing sa bahay muna magdasal ang mga deboto

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 04:07 PM


MAYNILA — Pinayuhan ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church ang mga deboto nito na mas mainam pa ring manatili na lang muna sa bahay at lumahok sa online mass sa halip na magpunta sa paligid ng simbahan para magdasal. 

Marami pa rin kasing nagpupunta sa paligid ng Quiapo church kahit nakasara ito. Nagpunta ang mga deboto doon para magdasal o hipuin ang gate ng simbahan. 

Ayon kay Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong, pinapayagan naman ang mga tao na magdasal sa paligid ng simbahan pero paaalisin din sila ng mga awtoridad kung magsisimula na ang kumpulan. 

Kung pupunta man daw, dapat saglit lang ang pagsulyap o pananatili sa labas. 

Pero payo ni Badong, mag-online mass na lang muna at sumunod muna sa panuntunan ng pamahalaan. 

Naghihintay pa ng direktiba ang simbahan ng Quiapo kung paano ipatutupad ang pagpapapasok ng 10 katao sa misa, alinsunod sa patakaran ng IATF sa pagdaraos ng religious gatherings.

Ayon kay Badong, naghahanda na rin ang simbahan sa tuluyang pagbubukas nito tulad ng paglalagay ng markings para sa physical distancing. 

Posible aniya na 2 o 3 tao na lang ang puwede sa isang bangko. 

Aminado si Badong na malaking hamon para mapanatili ang physical distancing sakaling magbukas ang simbahan kaya ineengganyo pa rin niya ang mga mananampalataya na mag-livestream muna ng misa. 

Pinag-aaralan din ng Quiapo church ang pagdadagdag ng misa dahil kapag nagbukas na ang simbahan ay kailangan ng disinfection kada misa.

Sa Hunyo 1 ay nakatakda nang isailalim ang Metro Manila sa general community quarantine. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.