Libreng pagkain alok ng mga kabataan sa mga food delivery drivers sa Iloilo City

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 07:22 AM

Larawan mula kay Anjuli May Jaen

Nagbahagi ang isang grupo ng mga teenager ng libreng pagkain sa mga food delivery drivers sa Iloilo City.

Sa Facebook post ni Dr. Anjuli May Jaen, makikita sa mga larawan ang pagbilad ng mga kabataan sa araw para magbigay ng pagkain sa mga food delivery drivers na dumadaan sa gilid ng Jaro Plaza.

May bitbit pang placard ang isa sa kanila para mahikayat ang mga delivery drivers na huminto at kumuha ng pagkain.

Ayon kay Jaen, naka-park ang kanyang sasakyan nang makita ang ginagawa ng mga bata.

Ayon naman sa isa sa mga volunteer, naghanda ang kanilang grupo ng 200 food packs para sa mga food delivery drivers.

Maliban sa Jaro Plaza, namigay din sila sa iba pang bahagi ng lungsod.

Paraan nila ito para magpasalamat sa mga drivers na patuloy ang pagtatrabaho para makapag-deliver ng mga pagkain sa mga residente.

Malaki rin ang tulong ng mga ito sa pag-deliver ng pagkain sa mga frontliners dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.

--May ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News