Ilang travel agency naghihingalo na ang operasyon dahil sa pandemic

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 07:32 PM

MAYNILA — Dalawang buwan nang nakatengga ang travel agency ni Erna Santos sa Pasig City na dating buhay na buhay dahil sa mga kliyenteng nagbu-book ng domestic at international tours.

Pero ngayon, mapipilitan na siyang i-convert ang opisina sa isang convenience store. Nangangamba kasi siyang matatagalan pa bago bumalik ang sigla ng travel industry dahil sa COVID-19.

"Talagang tourism ang tinamaan eh. So kailangang gawaan muna ng paraan kasi actually no income at all na. I have my family, I have my kids to feed, I have my bills to pay so hindi puwedeng nganga na lang. Nag-start na ako mag-sell online kung anong kaya kong ibenta," aniya.

Kaniya-kaniyang diskarte ang mga tulad niyang travel agent na sinusubukang humanap ng bagong pagkakakitaan.

Si Krizette Bautista, pinagkakasya muna ang kita sa pagbebenta ng kakanin online lalo’t single mom siya. Aminado siyang malayo ang kita niya sa pagkuha ng tours kumpara sa online selling.

"Iyun lang ang chance na kahit papaano kumita kahit konti. Wala po kasi talaga ngayon na puwede nating mapasukan na iba eh lalo na bawal lumabas. Sobrang hirap kasi hindi ganoon kalaki na aasahan mo talaga na pera. Wala pa sa 1/4 talaga yung kita. Sa online sell pinakamalaki na ''yung kikitain mong P120 o P150 a day. Compared po sa every day na kita mo na P1,500 a day," aniya.

Ilan sa kanila, sinubukan na ring kumuha ng loan.

"Para po mairaos po namin dahil ang dami po naming bayarin. Tuloy-tuloy 'yung rental namin, yung tax namin, yung SSS namin, local and national tax namin like sa BIR and munisipyo. Anong gagawin namin sa naghihintay sa amin after ng pandemic. Wala naman kaming ibang hanapbuhay kundi itong travel agency na ito," ani Santos.

Hiling nila, mabigyan-pansin din ang industriya ng turismo na lubha ring naapektuhan ng pandemya.

Bukod sa travel, umaasa rin sila sa mga eskuwelahan na kumukuha ng educational tours.

"Sana mabigyan pa rin kami ng ayuda lalo kaming mga hindi naman malaking travel agency. Kahit yung iba naming tao, tour guides namin, kahit gusto namin silang tulungan medyo mahirap din on our part, parang hindi ko na kaya kasi I myself nangangailangan na rin ng ayuda. Since tourism ang nagdadala ng malaking income sa bansa, sana mabigyan din kami ng priority," ani Santos.

May pansamantala mang pagkakakitaan, maghihintay pa rin silang muling magbukas ang turismo sa bansa at handa naman daw silang sumunod sa minimum health standards at safety protocols na kailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.