Ilang Pinoy sa Netherlands, nangangailangan pa rin ng ayuda sa gitna ng COVID-19 crisis

Jofelle P. Tesorio, ABS-CBN NEWS

Posted at May 29 2020 07:13 PM

Mga kinatawan ng FilCom-NL habang namamahagi ng grocery packs sa mga kababayang nasa Netherlands. PHOTO COURTESY FILCOM-NL

THE HAGUE – Kahit nagsimula nang magluwag ang lockdown sa The Netherlands matapos ang mahigit dalawang buwan, marami pa ring Pilipino dito ang nangangailangan ng tulong.
 
Bagama't may safety nets ang mga manggagawa kung sila ay may may kontrata o freelancer, maraming migranteng Pinoy ang nawalan ng trabaho at hindi nakakatanggap ng sahod.
 
Ayon kay Eunice de Asis ng Migrante-Amsterdam, matinding tinamaan ng COVID-19 lockdown ay ang may halos 30,000 undocumented na mga Pilipino.
 
“Nawalan sila ng trabaho dahil ang karamihan sa kanila ay mga domestic workers o house cleaners, baby sitters, dish washers sa mga restaurant, ito iyong mga industriya na nagsara. At dahil sa may quarantine, pati sa mga social visits, pinapatupad ang social distancing ng gobyerno,” dagdag niya.
 
Isang malaking problema umano ng mga naapektuhan Pinoy ay hindi sila makabayad ng renta dahil nawalan sila ng trabaho. Aniya, maging ang kakaunting naipon ay ubos na dahil sa tinagal ng lockdown.
 
“Nangangailangan sila ng tulong sa usapin ng food, rent, at health care. Hindi lang ito ang iniisip nila. Ibig sabihin din nito ay hindi sila makakapagpadala ng pera sa mga pamilya nila sa Pilipinas,” sabi ni de Asis. “Sila ay nangangamba at nag-iisip lagi na paano na lang kung ang pamilya nila ay magkasakit dahil sa lockdown din na pinapatupad sa Pilipinas at papaano makakakain ang kanilang pamilya kung wala silang perang maipapadala.”
 
Sa survey ng Filipino Community-Netherlands (FilCom-NL), isang alyansang binubuo ng may 18 organisasyong Pilipino sa The Netherlands, 31% sa mga Pilipinong apektado ang hirap sa pagbabayad ng renta, 29% ang nangangailangan ng financial assistance, 26% ang pagkain at 14% sa iba pang isyu.
 
Kahit may kanya-kanya nang mga fundraising ang mga Pinoy organizations, binuo nila ang FilCom-NL para sama-samang tulungan ang mga kababayang apektado ng COVID-19.
 
Nakita kasi ng grupo na hindi lahat ng mga Pilipino ay kasapi ng mga organisasyon at hindi rin lahat ay maaaring matulungan ng gobyerno ng Pilipinas o host country.
 
Bukod sa ayuda, may pangangailangan din sa social services gaya ng mental health, access sa gamot ng mga may sakit at senior citizens, seguridad ng mga nasa risk situations at translation ng mga impormasyong nasa salitang Dutch.
 
May ilang kaso rin ng mga Pilipinong pinaalis sa nirerentahang tahanan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at mga biktima ng domestic violence.
 
Bilang panimula, namigay na ng cash at grocery vouchers ang ilang Pinoy organizations sa tulong ng mga foundations sa The Netherlands. Ang FilCom-NL naman ay namahagi ng grocery packs sa mga Pinoy na nangangailangan mula sa mga private at public donors gaya ng Philippine embassy, Stichting Ros, at Red Cross.
 
“Sa ngayon ang natutugunan po namin ay iyong 26% na needs ng ating mga kababayan. Iyon po ang food assistance… sa tulong ng ilang indibidwal at mga organisyon,” ayon kay Agnes van de Veek-Pavia ng FilCom-NL at Filipino Catholic Community-The Hague.

Ayon pa kay van de Beek-Pavia, ang pagkakaisa ng mga Filipino organizations sa The Netherlands ay mahalaga dahil mas marami ang maaabot, mas malawak ang magiging serbisyo at mas malaki ang network of support ng mga kababayan.
 
Bagaman may limitasyon, tinitingnan ng grupo ang pangmatagalang solusyon sa kinahaharap ng mga vulnerable na mga Pilipino dahil kahit naalis na ang lockdown at ang iba ay nakabalik na sa trabaho, hindi kaagad-agad na magiging normal ang lahat.
 
Nakikipagtulungan din ang FilCom-NL sa Philippine Embassy at sa Philippine Overseas Employment Office (POLO)-Berlin para mas maraming Pinoy ang mabigyan ng US$200 one-time financial assistance na DOLE-AKAP.
 
Ilan sa mga kasaping organisasyon ng FilCom-NL ay ang Ateneo LSE-Netherlands, Couples for Christ, ERC Move, EPIC, FCC-Rotterdam, FCC-The Hague, Filipino LGBT Europe, Filipino Migrants in Solidarity (FilMis), Kabalikat-NL, Mabikas Foundation, Media Correspondent Volunteers Organization, Migrante-Netherlands, Pinay sa Holland-GABRIELA, Stichting Bayanihan, Stichting JoyCare Helping Hands, Stichting Word International Ministries, The Linangan Foundation at University of the Philippines Alumni Association-Netherlands.
 
----------------