Higit 100 Bikolano, stranded sa bus terminal sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 09:40 AM

Kuha ni Romejohn Maramo

Aabot sa 100 Bikolano ang stranded sa isang bus terminal sa Barangay Turbina, Calamba, Laguna na nagbabakasakaling makauwi na sa kani-kanilang mga tauhan.

Dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), minarapat na lang ng amo ng 57 anyos na kasambahay na si Elyn Oquian na pauwiin siya ng Daet, Camarines Norte.

Gamit ang sapat na pera na ibinayad ng amo, nagbaka-sakali siyang bumiyahe pero paulit-ulit lang siyang nahaharang sa checkpoint.

Pati ang van na nagsundo sa locally stranded individuals na tulad niya naharang pagdating sa Tiaong, Quezon.

Kaya naman balik-Calamba City siya at mahigit isang linggo nang tengga sa bus terminal sa Turbina.

“Dahil sa lockdown gusto na namin umuwi. Ang masama walang masakyan pauwi, kaya nagtagal na kami dito ilang araw po. Naubos na rin po ang aming pera. Mahirap ang aming tulugan at wala rin kaming pagkain. Papaano na po ang buhay namin?" ani Oquian.

"Kung maaari po ay tulungan po kami dahil sa kahirapan po namin dito dahil marami na kaming stranded dito may tatlong linggo, mahigit dalawang linggo...Hiling namin mabigyan kami ng transportation na bus," dagdag pa niya.

Stranded din sa bus terminal si Gilberto Laroga na bahagi ng vulnerable sector dahil bukod sa senior citizen siya, katatapos lang niyang sumailalim sa prostate operation procedure sa Bacoor, Cavite at pauwi na sana ng Sorsogon.

Aniya, nagpunta siya sa terminal dahil may nakapagsabi sa kanyang may susundo sa kanila sa naturang lugar.

Ayon sa empleyado ng isang bus company na nasa terminal, nasa mahigit 100 na lamang ang natirang stranded sa terminal matapos na masundo ng kani-kanyang lokal na pamahalaan ang ibang stranded sa lugar.

"Mahigit 300 ata 'yan dati. Ok lang naman sa'min at least nakatulong. Nakakaawa naman walang makain ang iba," ani Carlito Cea, empleyado sa bus company.

Ayon sa barangay chairman ng Turbina na si Rodel Manalo, nakatanggap ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan ang mga stranded.

Panawagan ng mga stranded na sunduin na rin sila ng lokal na pamahalaan ng lugar na uuwian nila at doon na lamang sumailalim ng 14-day quarantine at rapid test kung kailangan.

--Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.