Dating bouncer na na-stroke nanawagan ng ayuda sa gitna ng lockdown

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 05:28 PM

MAYNILA — Humihingi ng ayuda ang isang dating bouncer na na-stroke at halos walang makain ngayong naka-lockdown dahil sa pandemya.

Sa barong-barong na sa Gulayan Catmon, Malabon City nakatira ang 60 taong gulang na si Cezar Villacorta. 

Dati siyang bouncer sa isang bar sa Ermita, Maynila. Natigil siya dahil tumatanda na, at kamakailan lang ay na-stroke.

"Pumunta lang ako sa ospital, mild stroke lang daw, umuwi na lang ako," aniya.

Kahit gusto niyang magtrabaho para itaguyod ang binatilyong anak, hindi siya makahanap ng mapagkakakitaan.

Nakakaraos sila kahit papaano sa tulong at donasyon pero di pa rin ito sapat. Hindi rin siya makabili ng mga gamot. 

Dumagdag pa sa alalahanin niya ang panganib sa tinutuluyang bahay. Nakalundo na kasi ang sahig at mga dingding at tila bibigay na. 

Nakatayo pa naman ito sa ibabaw ng tubig at umaapaw na basura lang ang tinatayuan.

Posible pa itong matangay pag nag-high tide sa tag-ulan.

"Dito na kami nakatira, dito na nanganak asawa ko, dito namatay, dito na lahat. Lilipat ka wala ka naman pang-upa," aniya. 

Aminado si Villacorta na mas lumubog ang buhay nila dahil sa lockdown. Wala pa rin silang natanggap na ayuda.

Sa sobrang awa ng kapitbahay, binidyuhan siya at inilahad ang kaniyang kuwento sa social media.

Lugmok man dahil sa patong-patong na dagok, hindi nawawalan ng pag-asa si Villacorta na may mabubuting puso na tutulong sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.