BASAHIN: Mga panuntunan kapag isinailalim na sa GCQ ang Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 01:44 PM

MAYNILA - Ilalagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila simula Hunyo 1. 

Mahigit 2 buwan ito matapos ang mahigpit na quarantine sa rehiyon - na itinuturing na episentro ng coronavirus disease 2019 - para mapigilan ang hawahan sa sakit. 

Ayon sa omnibus guidelines ng coronavirus task force ng bansa, maaari nang lumabas ang mga tao para makapagtrabaho at bumili ng kanilang mga suplay. 

Hindi na rin kailangan ang barangay quarantine pass para maglabas-pasok. 

Pero bawal pa ring lumabas ang mga sumusunod: 

  • May edad 21 pababa
  • Buntis
  • Maysakit o mahina ang immune system

Exempted dito ang mga kukuha ng essential supplies o iyong mga nagtatrabaho sa pinapayagang industriya. 

Papayagan naman ang 100 percent operation ng mga itinuturing na category one industry gaya ng utility company, agrikultura, fishery at forestry industries. 

Papayagan din ang 100 percent operation ng mga mga negosyong kaugnay ng pagkain gaya ng food manufacturing, food preparation, at food delivery. 

Papayagan na rin ang 100 percent operation ng mga supermarket at grocery, health-related establishments, logistics, IT, telecommunication at media. 

Samantala, limitado ang operasyon ng mga mall at shopping center maliban sa mga leisure establishment at services. 

Puwede na ring magbalik-operasyon ang lahat ng public at private construction projects pero hindi ang mga negosyong may kaugnayan sa amusement, gaming, at fitness - kabilang ang tourism industry. 

Pagbabawalan pa rin ang mga mass gathering maliban sa mga pagtitipon para sa probisyon ng mga kritikal na serbisyo ng gobyerno at iba pang humanitarian activities. 

Hanggang 10 lang ang papayagan sa misa at iba pang religious gatherings. 

At sa GCQ, papayagan na rin ang mga outdoor non-contact sports gaya ng walking, jogging, running, golf, swimming, biking, tennis, badminton, equestrian, at skateboarding. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.