Babuyan ng barangay chairman sa Benguet ipinapasara dahil sa mga paglabag

Maira Wallis, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 03:27 PM | Updated as of May 29 2020 04:00 PM


TUBA, Benguet — Ipinasasara ng lokal na pamahalaan dito ang isang babuyan ng barangay chairman na umano'y sari-sari ang paglabag sa environmental laws.

Ayon sa ilang residente ng Twin Peaks sa Tuba, umaalingasaw daw ang babuyan at tila nakakasama pa sa kalikasan. 
 
"Ito po ay napakabaho po. Hindi ko matanto kung ano. D'yan kasi yang mga babuyan na yan, yan yung nagbibigay ng sakit sa kalikasan dito. Sana hindi naman ganito ang paglapastangan sa ating kalikasan," ani alyas Buboy.

Agad umaksiyon ang pamahalaang lokal ng Tuba sa pangunguna ng kanilang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).

Pangunahing inirereklamo ang babuyan ng mismong chairman ng barangay na si Allan Bayninan

Rekomendasyon ng MENRO sa tanggapan ng alkalde, ipasara ang mga babuyan.

Anang MENRO, masyadong malapit sa Bued River ang piggery at doon umano dumidiretso ang dumi ng mga baboy.

Natuklasan pa na walang permit ang pasilidad ni Bayninan. 

Nangako naman si Bayninan na ililipat ang puwesto ng kaniyang babuyan at kukuha ng kaukulang permit.

"Temporary lang yun kaya walang tangke... Ililipat ko sila," sabi niya. 

Giit ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Cordillera, hindi talaga dapat pinahihintulutan ang pagtatayo ng babuyan lalo sa malalapit sa ilog.

"Pinagmumulan ng fecal coliform... Fecal coliform kasi is the bacteria that came from human and animal waste so yun pagtayo ay nakaligo sa isang river na masyadong mataas ang fecal coliform eh ano yan, hindi natin alam mga virus, bacteria yan eh di ba. E-coli, mga ganyan. So prone tayo sa waterborne diseases so napakaimportante na ang fecal coliform ay within the standard," paliwanag ni Ma. Victoria Abrera, regional director ng EMB-Cordillera. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.