Ama patay, sanggol sugatan sa pamamaril sa Negros Oriental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 07:30 PM

Isang lalaki ang patay habang ang kaniyang 6 buwang gulang na anak ay sugatan matapos sila pagbabarilin sa bayan ng Sibulan, Negros Oriental. Kuha ni Roy Ortega

SIBULAN, Negros Oriental - Patay ang isang 34-anyos na lalaki habang sugatan ang kaniyang 6-buwang gulang na anak matapos sila pagbabarilin sa bayan na ito Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa pulisya, nakaupo sa labas ng kaniyang bahay si Reynold “Junjun” Paquit sa Shin Village, Sitio Campaclan sa Barangay Poblacion at nasa kanlungan niya ang sanggol nang may dumaang mga lalaki.

Sa imbestigasyon, apat na hindi kilalang mga taong sakay ng dalawang motorsiklo ang namaril kay Paquit at sa kaniyang anak. Natamaan ng bala sa hita ang sanggol.

Dinala ang mga biktima sa ospital, pero binawian din ng buhay ang ama.

Ayon sa hepe ng Sibulan Police na si Police Capt. Enreque Asonio, nasa drugs watchlist si Paquit.

Kasama rin ang pangalan niya sa mga umano’y responsable sa pamamaril sa isang balut vendor noong Pebrero. Isa ito sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagbaril kay Paquit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.