ALAMIN: Mga public transpo na balik-pasada simula Hunyo 1

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 02:29 PM | Updated as of May 29 2020 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila simula Hunyo 1, may mga public transportation na rin ang papayagang pumasada muli sa mga lansangan.

Pero sa plano ng Department of Transportation (DOTr), hindi sabay-sabay kundi pabugso-bugso ang pagbabalik-biyahe ng mga pampublikong sasakyan.

"In the adoption of these guidelines in areas under GCQ, there will be two phases to be executed for allowing the operation of the different modes of public transportation," sabi ng ahensiya.

Mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 21, papayagan na muli ang operasyon ng tren, taxi, ride-hailing car service tulad ng Grab, bus augmentation units, point-to-point (P2P) buses, shuttle services, at mga bisikleta.

Lahat ng ito, limitado lang ang kapasidad at hindi tulad noon na maaaring magsiksikan ang mga pasahero.

Pinapayagan naman ng DOTr ang mga tricycle pero nasa lokal na pamahalaan daw ang huling pasya. 

Hindi pa rin umano papayagan ang mga provincial bus sa Metro Manila, anang DOTr.

IKALAWANG BUGSO SIMULA HUNYO 22

Ang ikalawang phase naman ng pagbabalik ng ibang public transpo ay magsisimula sa Hunyo 22 hanggang Hunyo 30. 

Dito, papayagan na ang mga public buses, UV Express, at mga modernong jeepney.

Pinaalala naman ng DOTr na dapat sundin ang mga sumusunod na panuntunan: 

• Pagsusuot ng face masks
• Paggamit ng cashless payment
• Paggamit ng thermal scanners
• Pagkakaroon ng alcohol at sanitizers 
• Disinfection ng mga madalas hawakan na bahagi ng PUV
• Pagtatayo ng disinfection facilities sa terminals
• Contact tracing
• Physical distancing

Sa panayam naman kay Interior Secretary Eduardo Año, tinatayang 300 units ng P2P bus ang papayagang pumasada sa Metro Manila sa unang araw ng GCQ sa Lunes. 

"From 300, unti-unti ring magdadagdag ang DOTr hanggang papayagan na lahat ng buses," aniya. 

Huwebes ng gabi nang magpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na pababain ang antas ng mga quarantine sa buong bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.