ALAMIN: Mga dapat tandaan kung aalis, papasok ng Metro Manila habang GCQ

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 02:21 PM | Updated as of May 29 2020 06:44 PM

Nakapila ang mga sasakyan sa quarantine checkpoints sa pagitan ng Marikina at Antipolo. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Mas mapaluwag man ang travel restrictions kapag isinailalim sa general quarantine ang Metro Manila simula Hunyo 1, nagpaalala ang Philippine National Police na may mga kaukulan pang proseso para maglabas-pasok sa rehiyon. 

Ayon kay COVID-19 joint task force shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, kinakailangan munang kumuha ng health clearance certificate mula sa local government. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagkatapos nito, abiso ni Eleazar na dumiretso sa police station para makakuha ng free travel authority pass na nagbibigay awtorisasyon sa mga ito na dumaan sa mga checkpoint. 

Ayon kay Eleazar, bawal pang bumisita sa mga kaanak o kaibigan sa mga probinisya ang mga nasa Metro Manila. 

"Kaya maliwanag na dapat malaman ng ating mga kababayan na itong downgrading natin sa GCQ ay hindi po ibig sabihin na pwede na kayong mamasyal o dumalaw sa inyong mga kaibigan na hindi nyo nakita," ani Eleazar sa Teleradyo. 

Tanging mga nagtatrabaho lang sa industriyang pinapayagang magbukas sa ilalim ng general quarantine ang makakalusot sa mga checkpoint. Dapat lang ipakita ang ID. 

"Uulitin po natin lalabas lang kayo of course, kung kayo ay worker exempted kayo at ID lang, lalabas lang kayo para mag-avail ng goods and services na sinasabing kailangan ninyo doon lamang sa inyong lugar. So yung paglipat sa ibang lugar ay hindi po pwede yon," ani Eleazar. 

Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng curfew, ayon kay Eleazar. 

Magpapatayo ng modified checkpoints ang gobyerno sa ilalim ng general quarantine sa Metro Manila. 

Maglalagay din sila ng help desk at police stations para asistehan ang mga nais kumuha ng travel pass. 

"Ito po'y hindi naman right o karapatan kundi ito po ay privilege. Susunod po kayo sa proseso at kung mayroon mang period of waiting, talagang kailangan po iyan dahil mayroon po tayong coordination," ani Eleazar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.