10,000 fried chicken handog sa Davao districts na may pinakakonting COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 02:35 PM

PHOTO COURTESY: Sangguniang Kabataan - Toril

DAVAO CITY - Tinupad ni Mayor Sara Duterte ngayong araw ang kanyang pangako na magbibigay ng 10,000 na fried chicken sa mga distritong may pinakakonting kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Panalo ang Cluster 4 at 5 na may limang distrito dahil pito lamang ang COVID-19 cases dito. Sa Cluster 1 o poblacion district naman, may 106 na COVID-19 cases, sa Cluster 2 at 3, may 43 cases, habang sa Cluster 6, may 8 cases.

Ibinahagi sa mga residente sa distrito ng Toril, Calinan, Tugbok, Baguio, at Marilog ang libo-libong fried chicken meal at juice.

Dinagsa man ng mga residente ang Mintal gym, pero ipinatupad pa rin ang physical distancing.

Sikreto umano ng mga residente ang pagsunod sa "stay at home" na mandato ng gobyerno.

"Tungod kay naminaw gyud sa gobyerno nga stay at home lang," ayon sa residenteng si Joy Dinoy.

(Dahil nakinig kami sa gobyerno na stay at home lang.)

Sa panahon ng enhanced community quarantine, nahati sa anim na cluster ang Davao City, ang binubuo ng isa o maraming political districts.

"Sana ay wala nang madagdagan sa mga positive ninyo. 'Yan lang ang aking tanging wish para sa inyo. Tugbok, Toril, Calinan, Marilog, and Baguio," ayon kay Mayor Sara Duterte.

Isa ang Davao City sa mga lugar na mag-eextend ang general community quarantine hanggang sa Hunyo 15. Sa ngayon, may 253 COVID-19 cases ang lungsod, kung saan 117 nito ay gumaling na sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.