Umano'y pumatay sa mag-asawang senior citizen huli sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 02:31 PM | Updated as of May 29 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado nitong Miyerkoles ang pangunahing suspek sa pananaksak sa mag-asawang senior citizen at kanilang kasambahay sa Barangay San Agustin, Novaliches. 

Kinilala ang suspek na si Cal Joseph Bañanola, 37, na naaresto sa hot pursuit operation ng pulisya sa bahay ng suspek sa Caloocan City.

Ayon sa pulisya, nasa drugs watch list ng barangay at nagde-deliver ng itlog sa mga biktima ang suspek. 

Natagpuan noong hapon ng Linggo, Mayo 26, ng kanilang mga anak ang mga bangkay ng 86 anyos na lola at 87 anyos na lolo. Tadtad umano ang mga ito ng saksak. 

Nagpapagaling naman sa ospital ang sugatang kasambahay ng mag-asawa. 

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pulang damit at shorts ng suspek na nagpalit umano bago tumakas sa crime scene.

Ayon kay PCOL Rossel Cejas ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, naaktuhan pa nilang nagsha-shabu ang suspek sa loob ng bahay.

Nakatulong din sa imbestigasyon ang naiwang damit at shorts ng suspek sa bahay ng mga biktima.

Positibo ring kinilala ng 66 anyos na kasambahay si Bañanola na siyang pumalo sa kanyang ulo at pumatay sa dalawa niyang amo.

Sa nakuhang certification ng QCPD mula sa Barangay 17 sa Caloocan City, nasa drugs watch list nila si Bañanola na umamin din sa krimen. 

Ayon naman kay Police Gen. Guillermo Eleazar ng National Capital Region Police Office, lango sa droga ang suspek nang patayin niya ang mga biktima. 

Nakuha sa suspek ang aabot sa P16,100 na pinaniniwalaang bahagi ng natangay na pera sa mag-asawa. 

Nakatakdang ihain ang kasong robbery with homicide and frustrated murder sa suspek. 

-- May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.