Speaker bet nag-alok ng 'unli-debate' sa Makabayan bloc

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 06:57 PM | Updated as of May 29 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Painit nang painit ang nakaambang bakbakan ng mga kongresistang nag-aambisyong maging House Speaker sa papasok na 18th Congress. 

Pagbubunyag ng isang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara, ang isang matunog na manok sa speakership ay inalok sila ng "unli-debate" sa plenaryo kapalit ng kanilang pagsuporta.

Matatandaang noong mga nakalipas na Kongreso ay pinapatayan ng mikropono ang ilang miyembro ng oposisyon tuwing sasalungat sila sa kagustuhan ng mayorya. 

"Sabi [nu'ng isa] 'pag ako naging Speaker 'wag kayo mag-alala, kayo, Makabayan bloc, I will give you all the time that you want. Alam nila ang mahalaga sa amin dito," ani ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.

Tatlo sa PDP-Laban party ang nais mag-Speaker pero si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang pinakamatunog dito dahil suportado umano siya ni Sara Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong kampaniya, si Sara mismo ang nagpakilala kay Velasco bilang susunod na Speaker.

Sabi ni Velasco, madali niyang maitutulay ang mga problema ng mga kongresista sa pangulo dahil sa pagiging malapit niya sa mag-amang Duterte.

Ang pangulo naman, nagsabi nang labas siya sa Speakership race.

"Sa Speakership, wala akong kinakampihan. I am on my last three years. Gusto ko lang to do good and if that good is not good for everybody, well I'm sorry," ani Duterte. —Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.