Sasakyan ng pinaslang na Grab driver, natagpuan na

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 11:55 AM | Updated as of May 29 2019 12:09 PM

MAYNILA – Narekober na ng awtoridad ang sasakyan ng pinaslang na Grab driver na si Maria Cristina Palanca.

Ayon kay Police Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta Police, natagpuan ang itim na Toyota Avanza ni Palanca sa Lucena, Quezon matapos na isangla ng suspek na si Paolo Largado sa isang kakilala.

Si Largado ang itinuturing na pangunahing suspek sa pagpatay sa biktima.

Linggo nang matagpuang duguan at wala nang buhay si Palanca sa ilalim ng lababo ng condominium unit ni Largado sa Barangay San Andres, Cainta.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na matapos maghatid ng pasahero noong Huwebes, Mayo 23, mula sa isang mall sa Mandaluyong City papuntang Pasig City, nagtungo si Palanca sa nasabing condominium.

Mayo 23 nang umalis si Palanca makaraang may mag book mula Antipolo City patungong Mandaluyong City. Mula noon ay hindi na nakauwi ang biktima.

Iniimbestigahan pa ng awtoridad kung anong kaugnayan ng biktima sa suspek na patuloy na pinaghahanap ng pulisya.