Paslit sa Palawan nakalunok ng P10; doktor may babala

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 03:35 PM

Naisalba ni Dr. Emmanuel Olmoguez ang buhay ng isang 5 anyos na babae na nakalunok ng P10. Photo courtesy of Emmanuel Olmoguez.

Nagbabala sa publiko ang isang doktor matapos isalba sa isang batang babae na nakalunok ng P10 barya sa bayan ng Cuyo sa Palawan.

Aksidente umanong nalunok ng bata ang barya habang naglalaro noong Mayo 22 at agad isinugod sa Cuyo District Hospital dahil nagsusuka at naglalaway na ang bata. 

Ayon sa doktor na si Emmanuel Olmoguez, umabot na sa esophagus ang barya kaya medyo komplikado ang pagtatanggal nito. 

Nag-alangan pa umano si Olmoguez na operahan ang bata pero pinilit na maisalba ang buhay ng bata.

"Ginawa po natin ang lahat kahit pa nagduda tayo kasi medyo komplikado ang gagawin. Courage mula kay God naging successful po. Kawawa kasi ang bata kung matatagalan pa yun sa esophagus niya," ani Olmoguez, na tatlong buwan halos nakadestino sa ospital.
 
Nang i-post ito ni Olmoguez sa social media ay umani ito ng papuri at pasasalamat mula sa mga netizen.

Ipinaalala ni Olmoguez sa panayam na bantayan ang mga bagay na pinaglalaruan ng mga anak at siguruhing napapaalalahanan din sila ng mga pwedeng mangyari kapag sinubo o hindi tama ang paglalaro.

Ang ganitong insidente umano ay maging aral daw sana para hindi na mangyari sa iba na maaaring humantong sa pagkamatay.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.