Operasyon sa sanggol na natusok ng palaso sa Palawan, tagumpay

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 06:04 PM

Matagumpay na naalis ni Dr. Metodio Lazo ang palaso (arrow) na aksidenteng tumusok malapit sa tenga ng isang sanggol. Inoobserbahan pa rin ang sanggol upang matiyak na hindi siya magkakaroon ng impeksiyon. Larawan mula kay Dr. Metodio Lazo


RIZAL, Palawan - Naging matagumpay ang isinagawang operasyon Martes sa isang 6-buwang gulang na sanggol na aksidenteng natusok ng palaso sa ulo.

Ayon kay Dr. Metodio Lazo, isang general surgeon na siyang sumuri sa sanggol, malapit sa tenga ang pinagbaunan ng palaso.

“So far, initial assessment ko stable siya. Nakaka-alarm lang 'yung nakatusok na pana sa kaniya malapit sa tenga sa may ulo,” sabi ni Lazo ng Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City.

Bago ang operasyon, sumailalim muna sa CT-SCAN ang sanggol na isang katutubong Pal’auan. Alas-8 naman ng umaga ng Martes nang isagawa ang operasyon na tumagal ng isang oras.

Ayon kay Lazo, naging maayos ang operasyon sa bata at natanggal ang palaso na tinatayang nasa dalawang talampakan ang haba.

Mabuti na rin daw at malakas ang resistensya ng bata. Gayunman, kailangan pa rin siyang i-monitor upang maiwasan ang impeksyon.

"'Yung area of injury kasi ay malapit sa utak. We will give the best medicine para maiwasan ang infection. Tatagal siya sa ospital ng 5-7 days," sabi ni Lazo.

Lunes ng umaga nang aksidenteng matusok ng palaso ang sanggol ng kaniyang kapatid habang naglalaro.

Dinala agad ang sanggol sa Dr. Jose Rizal District Hospital at agad ring ibiniyahe sa Puerto Princesa para operahan.

Nangangailangan ng tulong pinansiyal ang pamilya ng sanggol para sa ibang gastusin habang nasa ospital ang bata. Ang ama ng sanggol ay isang mangingisda habang maybahay naman ang kaniyang ina.

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamilya, maaaring puntahan sila sa surgical ward ng ospital at hanapin ang pamilya Kawali o ‘di kaya ay makipag-ugnayan sa kanilang liason officer na si Marvia Lico sa numerong 0918-780-7226.

Hiling din ng pamilya ang dasal para sa mabilisang paggaling ng kanilang anak.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.