Ilang turista sa Palawan naaktuhang nag-iipon ng starfish para sa photoshoot

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 08:58 PM | Updated as of May 29 2019 09:29 PM

Naaktuhan ng isang travel vlogger ang ilang turista na nag-iipon ng starfish para gamitin sa pagkuha ng mga retrato. Photo courtesy of Lost Juan.


BALABAC, Palawan - Namataan ng isang travel vlogger ang pag-iipon ng mga starfish ng ilang turista para gamitin sa pagkuha ng mga retrato sa Candaraman Island sa bayan ng Balabac.

Sa kuha ng travel vlogger na si Juan, makikita ang mga magkakatabi at pinagsama-samang mga starfish sa isang sandbar sa Candaraman Island.

Mayo 21 nang mag-tour siya kasama ang kaniyang kaibigan. Pareho silang nagpalipad ng drone sa mga sandbar ng Candaraman at nakita ng kaniyang kaibigan ang ginawang pag-iipon sa mga starfish.

"Nung una kasi nakita lang po ng friend ko. Ayun, parang nagpi-picture-picture sila. Doon sila sa starfishes na inipon nila," ani Juan.

Nang mapansin umano ng mga turista ang pagbabantay ng kaniyang drone sa sandbar ay isa-isa nila itong ibinalik.

"Matagal nag-stay 'yung drone ko doon. Tapos 'yun na, parang na-alarm sila. 'Yun binabalik nila 'yung mga starfish," dagdag pa ni Juan.

Hindi niya napagsabihanan ang mga turista dahil malayo ang sandbar sa kinatatayuan nila kaya idinaan na lang nito sa Facebook ang pagkondena sa ginawa ng mga nakita nitong turista.

"This post is to spread awareness and to educate people but I also want to say that IGNORANCE IS NOT AN EXCUSE. Common sense is the key," ani Juan sa kaniyang post.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), hindi ipinagbabawal na kunan ng larawan ang mga buhay ilang pero dapat ay kunan lang ito ng mga larawan sa kanilang natural habitat.

“Kung may makita man tayo na kahit anong uri ng yamang dagat, kahit anong uri ng wildlife, sana pabayaan lang natin. It is there to be appreciated but it is not there para pakialaman natin at sirain natin ang kanilang biological cycle. Kasi once na in-expose mo 'yung starfish doon sa sand tapos mainit, definitely maaapektuhan 'yung biological cycle nila kasi natutuyo sila and hindi sila designed na naka-expose ng matagal doon sa araw,” paliwanag ni Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Makakatulong din kung maninita at magbibigay ng kaalaman ang mga bangkero at tour guide sa isang lugar.

Pero dahil bago ang larangan ng turismo sa bayan ng Balabac, aminado ang PCSD na kailangan pang magpakalat ng impormasyon ukol sa pangangalaga ng kalikasan sa bayan.

“Kina-call ko rin 'yung attention ng LGU (local government unit) na sana coming from the municipal tourism officer and to the operators ng tourism sa area pagsabihan 'yung mga turista na bawal na bawal galawin 'yung mga buhay ilang na makikita sa mga napakagandang isla ng Balabac,” ani Fabello.

Ayon sa PCSD, paiigtingin pa nila ang kanilang kampanya ukol sa kahalagahan ng biodiversity sa mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang mga maling gawain ng mga turistang pumapasyal sa Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.