Chinese national nabiktima ng holdap sa Pasay

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 08:29 PM

MAYNILA - Isang Chinese national ang naholdap ng dalawang lalaki habang naglalakad sa Pasay City kamakailan.

Ayon sa Pasay Police, kalalabas lamang ng gaming establishment ng 20 anyos na IT engineer at naglalakad sa service road ng Roxas Boulevard patungo sa nakaparada niyang sasakyan nang lapitan ng dalawang lalaking nakasuot ng bullcap at face mask noong Lunes.

Armado ang dalawang kawatan at nagdeklara ng holdap sa biktima. 

Hindi agad ibinigay ng biktima ang kaniyang sling bag kaya’t hinampas siya sa ulo ng baril ng isa sa mga suspek at kinuha ang hawak na cellphone. 

Nakita ng mga security guard ng gaming establishment ang insidente at nirespondehan ang biktima. 

Pinaputukan nila ang mga suspek pero hindi tinamaan. 

Tinamaan naman ng bala ang isang dumaraang SUV pero hindi naman nasugatan ang mga sakay nito.

Tuluyang nakatakas ang mga suspek sakay ng isang itim na kotse na walang plaka. 

Isinugod naman sa San Juan de Dios Hospital ang Chinese national na nagtamo ng head injury dahil sa paghampas sa kaniya ng baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.