7,000 pulis ipapakalat sa Kamaynilaan sa pagbubukas ng klase: NCRPO

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilatag na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang seguridad sa mga paaralan sa nalalapit na pagbubukas ng school year sa Hunyo. 

Kaakibat nito ang pagtupad ng "Ligtas Balik Eskwela 2019" kung saan nagtalaga sila ng mga police assistance desks sa mga paaralan, at nagpakalat ng mga rumorondang pulis. 

Sa datos ng National Capital Region mula June 2018 hanggang Marso 2019, aabot sa 30 krimen ang naitala nila na nangyari sa paligid ng mga paaaralan sa buong Kamaynilaan. 

Ayon kay NCRPO chief Guillermo Eleazar, aabot sa 7,000 pulis ang kanilang ipapakalat sa pagbubukas ng klase. 

"Sila ang aagapay sa mga security guards para sa seguridad ng mga schools. And also magde-deploy din tayo ng mga pulis sa mga roads leading to and coming from these learning institutions," ani Eleazar. 

Pangunahing binabantayan ng mga pulis ang mga street crimes, pero handa rin silang rumesponde sa iba pang insidente. 

Gumawa rin ng protocol ang NCRPO sa pagreresponde sa bomb threat, kabilang din dito ang pagtatalaga ng marshal sa mga eskuwelahan na siyang unang reresponde. 

“Meron tayong mga contact persons sa mga school na pag mayroong impormasyon agad ibabato sa atin sa police station,” ani Eleazar. 

Hinikayat din ng NCRPO ang publiko na maging mapagmatyag at agad i-report sa kanila kung may mamo-monitor na kahina-hinalang tao sa paligid. --Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.