PatrolPH

6 Pisay seniors na dawit sa photo scandal di pinagmartsa

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 07:27 PM | Updated as of May 30 2019 11:12 AM

Watch more on iWantTFC

Hindi na pinagmartsa ng Philippine Science High School (PSHS) ang anim na lalaking estudyante na sangkot sa pagpapakalat sa social media ng mga sensitibong larawan ng kapwa nilang mag-aaral. 

Kasunod ito ng pagprotesta ng ilang magulang at estudyante, maging ng ilang netizens sa naunang desisyon ng Board of Trustees ng paaralan na patapusin ang mga sangkot na estudyante. 

Sa imbestigasyon ng management committee ng paaralan, lumalabas na sangkot ang anim na lalaki sa dalawa o higit pang beses na pagpapakalat sa social media ng larawan ng kanilang kapwa mag-aaral. 

Kasama sa umano'y nabiktima si "Bea," na dating kasintahan ng isa sa mga nasangkot na lalaki. Ikinalat umano ng lalaki ang kaniyang retrato. 

"I was in 8th grade. When we broke up around early in 9th grade, that was when he exchanged my pictures. There was no consent when it was taken and there was also no consent when it was spread," aniya. 

Ayon kay Lilia Habacon, executive director ng paaralan, makukuha ng tatlong estudyante ang kanilang mga diploma, habang certificate of completion lamang ang makukuha ng tatlong iba pa. Pero bago makuha ang mga ito ay may mga alituntunin pa raw silang dapat sundan. 

Sang-ayon naman dito ang magulang na si Loraine Badoy na isa sa mga malakas na umalma sa isyu sa social media. 

"It was very important to give a statement as strong as this. I am very grateful to the board kasi it may have gone terribly wrong, di ba?" ani Badoy. 

Pero dismayado naman ang magulang ng isa sa mga idinadawit sa photo scandal. Nanindigan din umano ang kaniyang anak na hindi raw siya dawit sa insidente. 

Para sa graduate na si Mark Susana, hindi umano patas ang kuwentong nailabas sa social media.

"Yung iba sa nabigyan ng kaso hindi po sila 'yung main perpetrators. Nabigyan lang po sila ng pictures pero hindi po sila 'yung nag-start, gano'n," sabi ng malapit na kaibigan ng dalawa sa mga naparusahan. 

Itinanggi ng pamunuan ng paaralan na na-pressure lamang umano sila sa desisyon dahil sa mga protesta.

"Mahaba, mahaba 'yung deliberation, hindi lang naman 'yan face-to-face, meron paring email communications, mahaba po ang deliberations" ani Habacon. 

Nanawagan naman ang board ng PSHS sa mga magulang at estudyante na huwag matakot o magdalawang-isip na isumbong sa kanila kung may alam o nabiktima sa katulad na gawain at pang-aabuso.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.