4 huli sa aktong nagdodroga sa Bacoor 'drug den'

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 05:04 PM | Updated as of May 29 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Timbog ang apat na tao matapos silang mahuli na gumagamit ng ilegal na droga sa isa umanong drug den sa Bacoor City, Cavite noong Linggo. 

Target ng operasyon ang lalaking may-ari ng bahay na si Erwill Estipona, 50. 

Bago ang pag-aresto, mismong anak ni Estipona ang nagtimbre sa pulisya na gumagamit ang suspek ng droga. 

Nagpadala pa umano ng video ang anak ni Estipona kung saan kita itong gumagamit ng droga. 

"Nakikipagtulungan na rin sa atin ngayon ang mismong mga relative ng mga drug suspect," sabi ni Police Col. William Segun, direktor ng Cavite police.

Ayon naman kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan ng Bacoor police, dati na nilang alam na user si Estipona pero kalaunan ay nagbenta na rin pala ito ng droga. 

"Nakakapanlumo kasi sa edad niya dapat wala na siya sa droga. Dapat siya ang maging ehemplo ng mga anak niya,” sabi ni Cabatingan.

Depensa naman ni Estipona, nawalan siya ng trabaho kaya naisip niyang magbenta ng droga at gawing drug den ang kaniyang bahay. 

Nasa kustodiya na ng Bacoor police lahat ng suspek at kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.