Sunshine Cruz, idiniin ang negosyante sa 'investment scam'

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 12:38 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumantad na rin si Sunshine Cruz para idiin ang isang negosyanteng Pinay sa Brunei na umano'y tumangay ng ipinuhunang pera ng aktres.

Ayon kay Cruz, nais niyang maglakas-loob ang iba pang nabiktima ni Kathy Dupaya para lumabas at ihabla rin ang Pinay.

"Nag-invest ako sa kaniya [noong] 2016... P3 million. Kailangan lumabas ako para malaman ng tao na may ganitong klaseng tao," ani Cruz.

Nauna nang nagkaso laban kay Dupaya ang "Lord of Scents" na si Joel Cruz.

Bukod kina Sunshine at Joel, idiniin din si Dupaya ng negosyanteng si Mike Jalandoni at Brunei residents na sina Emma Yan at Susan Ortega.

Masakit kay Yan na nalansi siya umano ng P16 milyon sa alok na 6 porsiyentong interest kada buwan kapalit ng pag-invest niya sa expansion ng negosyo ni Dupaya. 

"Wala naman akong kinita, naubos pa lahat ng pera ko sa bangko," ani Yan.

Napaiyak naman si Ortega sa naglahong lifetime savings.

"Di na po siya nagbibigay sa amin kahit magmakaawa kami sa kaniya... more or less po, mga P7 million [ang nawala]," ani Ortega

Kasama si Ynez Veneracion, sinabi ng grupo na niregaluhan pa raw sila ng imported goods ni Dupaya at ipinabiyahe sa Brunei at France bago sumablay ang kanilang investment.

Nauna nang iginiit ni Dupaya na hindi niya tatakbuhan ang obligasyon niya kay Joel Cruz. 

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.