'Sobrang' allowances ng 5 abogado ng OGCC, 'mahal' na seminar, sinita ng COA

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 08:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang sobrang allowances ng limang abogado ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) gayundin ang umano'y mahal na seminar ng opisina noong 2017.

Sa taunang report nito, sinabi ng COA na ang allowances na natanggap ng mga abogado ay lagpas sa 50 porsiyento ng kanilang taunang sahod na limitasyong nakasaad sa 1985 circular ng COA.

"Allowances received by the OGCC lawyers for legal services rendered to various client government corporations for 2017 exceeded the 50 percent limitation based on their annual basic salary amounting to P621,717.72, which is contrary to COA Circular No. 85-25-E dated April 25, 1985," saad ng COA.

(Ang allowances na natanggap ng mga abogado ng OGCC para sa serbisyo sa iba't ibang ahensiya noong 2017 ay higit sa itinakdang 50-porsiyentong limitasyon base sa kanilang taunang basehang sahod na umabot sa P621,717.72.)

Saad ng isang talata sa naturang circular ng COA:
"The total extra compensation shall, in no case, exceed fifty percentum (50%) of his annual salary. Payments of allowances and the like on strictly reimbursement basis shall not, however, be subject to the 50% limit as herein prescribed."

Bilang attached agency ng Department of Justice (DOJ), ang OGCC ay nagbibigay ng serbisyong legal sa government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Pinamunuan ni Rudolf Philip Jurado ang OGCC bago siya sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte nito lamang Lunes, Mayo 28.

Inalis sa puwesto si Jurado dahil sa umano'y pag-abuso niya sa kaniyang kapangyarihan nang maglabas ng opinyong legal na nagpapahintulot sa Aurora Pacific Economic Zone na bigyan ng 75-taong pahintulot ang isang casino operator.

Tanggap man ni Jurado ang desisyon ng Pangulo, iginiit niya pa rin na walang iregularidad sa inilabas niyang legal opinion.

Inakusahan niya rin ang ilang katrabaho na nagbabato lang umano ng kontrobersiya laban sa kaniya.

"I accept and respect our President's decision. As an appointee who serves under his pleasure, I am honored to have been given a chance to serve under his administration," pahayag ni Jurado.

(Tinatanggap ko at iginagalang ang desisyon ng Pangulo. Bilang isang itinakdang opisyal na nagsisilbi hangga't ito'y kaniyang kagustuhan, isang karangalang makapagsilbi sa ilalim ng kaniyang administrasyon.)

Pinangalanan ng COA ang mga sumusunod na abogado ng OGCC na nakatanggap umano ng sobrang allowances: Elpidio Vega, na nakatanggap ng P300,982; Medardo Devera, P96,322; Manuel Santos, 119,362; Efren Gonzales, P82,598; at Aniceto Calubaquib, P22,452.

Pero giit ng OGCC, mayroong Executive Order na inilabas noong 1983 na nagsasabing awtorisado ang mga abogadong mayroong ibang ginawang trabaho na tumanggap ng dagdag na kabayaran at pribilehiyo. Hindi umano ito nagtakda ng hangganan kung magkano ang honoraria na puwede nilang makuha.

May batas din umano at isang DOJ circular na nagsasabing maaaring tumanggap ng allowances ang mga abogado ng OGCC ng hindi lalampas sa 100 porsiyento ng kanilang basehang sahod. 

Nanindigan naman ang COA na dapat tumalima ang OGCC sa COA circular ukol sa allowances.

Ipinaalala rin ng ahensiya sa OGCC na i-remit ang P2.8 milyong balanse nila mula pa sa kanilang 2016 special assessments at allowances.

"This is a follow-up finding to the 2016 observations since the agency has not fully remitted the remaining balance of P2,806,315.29 to the Bureau of Treasury," saad ng COA.

Kinuwestiyon din ng COA ang annual team building at corporate planning session ng OGCC sa Las Casas Filipinas De Acuzar sa Bagac, Bataan mula Abril 20 hanggang 22, 2017 kung saan P622,950 ang nagasta.

Hindi umano ito sumunod sa Government Procurement Act kung saan dapat ikonsidera muna ang mga lugar na pag-aari ng gobyerno, bago ang pribadong venue.

"It bears stressing that under Lease of Real Property and Venue, preference should be publicly-owned real property or venue. In the instant case, management did not consider leasing first from publicly-owned real property before considering the privately-owned real estate property which is obviously more economical and beneficial to the government," saad ng COA.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.