Lalaki patay nang mabundol ng 2 beses sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 08:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang lalaki nang masagasaan habang tumatawid sa pedestrian lane sa Parañaque City noong madaling araw ng Linggo.

Makikipagkita sana ang biktimang si Lester Singun sa kaniyang live-in partner nang mabundol siya ng isang sasakyan sa pedestrian lane sa Dr. A. Santos Avenue bandang alas-tres ng madaling araw.

Habang nakabulagta sa kalsada, nabundol ulit at nagulungan pa si Singun ng isa pang sasakyan.

Dinala pa sa ospital si Singun pero binawian din ng buhay.

Tumakas ang ikalawang motorista pero sumuko rin kinabukasan sa pulisya.

Sa sworn statement, umamin ang ikalawang motorista sa kaniyang nagawa pero sinabing hindi raw niya napansin si Singun.

"I accidentally ran over the victim. It’s a dark place, he was hit by another vehicle before I ran over (him)," sabi ng ikalawang motorista sa kaniyang salaysay.

Hindi na sinampahan ng reklamo ng pamilya ng biktima ang ikalawang motorista kaya pinakawalan din ito.

Umaasa naman ang mga kaanak ng biktima na lalantad ang unang nakabundol kay Singun.

Naulila ni Singun ang 2-taong gulang na anak.

Umuwi rin sa bansa ang ina ni Singun na si Veronica, isang overseas Filipino worker (OFW) mula Dubai.

"Gusto ko lang bigyan siya ng hustisya," ani Veronica.

Dagdag pa ni Veronica, nakatakda rin sanang magtungo sa Dubai ang biktima para magtrabaho.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.