'It's a massacre': MILF ipinrotesta ang pagkamatay ng 9 miyembro sa drug raid

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 01:38 PM | Updated as of May 29 2018 01:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umalma ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front matapos mapatay ang 9 nilang miyembro na ayon sa pulisya ay mga pawang "nanlaban" sa isinagawa nilang anti-illegal drug operation sa North Cotabato noong Biyernes. 

Nagsumite ng protest paper ang MILF sa peace implementation panel, pati na rin sa Government of the Philippines-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities para imbestigahan ang naturang operasyon.

Maghahatinggabi noong Biyernes nang ikasa ng Matalam Municipal Police Station at ng militar ang operasyon laban sa 2 drug suspek.

Pero bago pa umano mapasok ang bahay ng target sa Sitio Biao, barangay Kilada, pinaputukan na umano ang operating team.

Siyam ang patay sa operasyon na lahat ay miyembro ng MILF 105th base command, kabilang ang deputy battalion commander na si Dadting Hassan. 

Arestado naman ang kaniyang misis at isa pang babaeng si alyas "Saida" na target din sa operasyon.

Listahan ng mga MILF na napatay sa drug operasyon:

• Dadting Hassan
• Muhamidin Hassan 
• Konne Hassan
• Burrah Salping
• Mualidin Salping
• Tiyo Mantik
• Orom Mantis
• Deng Malunok
• Alyas Abu

Pero si Saida, itinatanggi ang pagkakadawit nila sa droga."Hindi namin alam 'yan. Hindi nga nagsisigarilyo, 'yan pa kayang droga," aniya. 

Tinawag namang "massacre" ng MILF-CCCH ang nangyaring operasyon.
    
"Kung ang isang grupo hindi lumalaban, hindi nagkaroon ng actual na firefight, hindi patayan na ganon karami, we consider it as massacre," ayon kay Butch Malang, chairman ng MILF-CCCH.

Dagdag pa ng MILF, walang koordinasyon ang Philippine National Police (PNP) para gawin ang operasyon.

Ayon kay Chief Inspector Sunny Leoncito, hepe ng Matalam police, nakipag-ugnayan ang ang mga awtoridad sa Moro National Liberation Front, karibal na grupo ng MILF.

Sa kabila ng nangyari, naniniwala ang MILF na hindi nito maaapektuhan ang isinusulong na usaping pangkapayapaan sa Mindanao.

--Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.