Holdaper umano patay sa engkuwentro sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at May 29 2018 07:32 AM

MAYNILA - Patay ang isang itinuturong holdaper matapos makabarilan ang mga pulis sa may PNR sa Muntinlupa City, Martes ng hatinggabi.

Kuwento ng biktimang si Joana Sayson, pauwi na sana siya nang biglang akbayan at tutukan ng baril ng 2 lalaki. Nakuha sa kanya ang isang smartphone, makeup, at P3,500 cash.

Agad namang nakaresponde ang mga pulis na saktong rumodona sa lugar. Inilarawan ng biktima ang itsura ng salarin kaya agad silang nakagawa ng follow-up operation.

Nang makita umano ng pulisya ang suspek, lalapitan sana nila ito para sitahin pero agad silang pinaputukan, dahilan para gumanti sila ng putok. 

Dead on arrival ang isang suspek habang nakatakas naman ang kasamahan nito. Wala pang pagkakakakilanlan ang mga suspek.--ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.